Inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng 956 na special permit para sa mga pampublikong sasakyan para sa selebrasyon ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na inaprubahan ng LTFRB ang mga special permit para sa 956 units, mula sa 988 units na nag-apply para sa permit.
Layunin nitong magdagdag pa ng mga PUV na pinapayagang bumiyahe bukod sa kanilang orihinal na mga ruta upang madagdagan ang magagamit na pampublikong transportasyon sa mga lugar kung saan mataas ang paggalaw ng mga commuter tuwing holiday.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang mga special permit ay magiging valid mula December 20, 2024, hanggang January 10, 2025.
Ayon pa kay Guadiz, ang naibigay na special permit sa halos isang libong unit sa buong bansa ay napakahalaga sa pagpapanatili ng mahusay na pampublikong transportasyon para sa mga commuter ngayong holiday rush.
Paalala ni Guadiz sa mga bus operator, tiyaking road worthy ang kanilang mga bus para sa ligtas na paglalakbay at panatilihing ang maayos at maginhawa ang kanilang terminal.