98 Katutubo mula San Mariano, Isabela, Nagtapos ng Youth Leadership Summit!

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na nagtapos ng Youth Leadership Summit (YLS) ang 98 na mga katutubo mula sa iba’t-ibang barangay na apektado ng insurhensya sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Ang 3 araw na kauna-unahang YLS ng mga katutubong Agta at Kalinga na may temang ” Kinabukasan ng mga Batang Katutubo ay Hubugin at Paunlarin” ay nagsimula noong Biyernes, Pebrero 28, 2020 at nagtapos kahapon, Marso 1, 2020 sa 5th Infantry Division na nakahimpil sa Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Ito ay sa pangunguna ni LTC Gladiuz Calilan, pinuno ng 95th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division, Philippine Army.


Batay sa naging mensahe ni Sangguniang Bayan Member Marivic Buguina Sumisim bilang panauhing pandangal, nagpapasalamat ito sa naturang programa ng pamahalaan na layong mahubog ang mga kabataan na maging responsableng mamamayan at mabigyan ang mga ito ng tamang kaalaman upang maging modelo o lider sa bayan.

Binigyan din nito ng punto ang tema ng Katutubo, Kabataan at Kinabukasan o KKK na kung saan ang mga kabataan ay siyang tanging pag-asa ng bayan kaya’t hinihikayat nito ang mga batang Katutubo na maging matatag sa anumang hamon ng buhay at makiisa para sa pag-unlad ng bayan.

Ayon naman kay Ms. Clarisse Jane Flores, president ng IP’s YLS San Mariano Chapter, malaki aniya ang naitulong ng 3 araw na YLS dahil marami itong natutunan at nagkaroon ito ng kumpiyansa sa sarili na ipakita ang kanyang talento.

Hinihikayat rin ni Flores ang iba pang mga kabataan na sumali sa mga ganitong aktibidad upang maturuan kung paano maging kapaki-pakinabang na mamamayan.

Facebook Comments