Manila, Philippines – Nanindigan ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos sa kanilang argumento na dapat ay gawing 50 percent ang shading threshold sa nagpapatuloy na recount sa inihain nitong electoral protests laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay matapos na paboran ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang apela ni Robredo na gamitin ang 25 percent shading threshold kung saan hindi rin pinagbigyan ang pagtutol ni Marcos na gamitin ang decrypted ballot images sa muling pagbibilang ng mga balota.
Sa interview ng RMN Manila kay legal counsel ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez – nakatakda nilang iapela sa korte ang desisyon lalo na at malinaw sa inilabas ng PET na resolusyon noong Abril kaugnay sa pagyagan sa 50 percent threshold.
Malakas ang paniniwala ng kampo ni Marcos na ang pagbibigay ng pabor sa apela ni Robredo ay maihahalintulad sa pagbibigay ng special treatment sa pangalawang pangulo.