Manila, Philippines – Simula sa katapusan ng buwan ng Marso, ititigil pansamantala ang pagbibigay ng tubig ng National Irrigation Administration sa mga sakahan ng mga magsasaka sa malaking bahagi ng lalawigan ng Bulacan at Isabela.
Tatlong buwan na hindi muna magre-release ng tubig ang NIA sa mga sakahan na sinusuplayan ng Bustos dam at Pantabangan dam, Magat dam sa Isabela.
Pitong bayan ang apektado sa Bustos dam,100-libong ektarya sa Pantabangan at 80-libong ektaryang lupang sakahan naman sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Filipina Bermudez, tagapagsalita ng NIA at ang hepe rin ng public affairs and information office ng NIA naglabas na sila ng patalastas para dito noon pang nakalipas na buwan ng Oktubre.
Paliwanag ng NIA, isinagawa ito batay na rin sa mga napagkasunduan sa isinagawang serye ng stakeholders meeting noong 2017.
Ito aniya ay para sa gagawing rekonstruksyon ng nabanggit na mga dam kasunod na rin ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na libre na ang patubig sa mga magsasaka sa buong bansa mula pa noong 2017.