ABERYA | Bumabiyaheng tren ng MRT-3 ngayong Lunes Santo, nasa 12 na lang

Manila, Philippines – Naiakyat na ngayong araw ng Metro Rail Transit Line 3 sa labingtatlo ang kanilang running train matapos kapusin ang bumibiyaheng tren nito noong Pebrero dahil sa madalas na pagkasira bunsod ng kakulangan sa pamalit na spare parts.

Pero dahil sa panibagong aberya ngayong umaga bumalik sa labingdalawa ang bilang ng running trains sa buong linya ng MRT-3.

Ayon kay MRT-3 Media Relations Officer Aly Narvaez, bandang alas-otso-bente-nuwebe nagkaroon ng unloading incident ang isa nilang tren sa Araneta Center-Cubao southbound station dahil sa ATP (Signaling) error.


Halos animnaraang pasaherong sakay ng tren ang pinababa subalit naisakay rin naman sila makalipas ang apat na minuto sa sumunod na biyahe ng tren.

Sa mga oras na ito balik normal ang operasyon ng MRT-3 na may labingdalawang running trains habang naibalik na sa MRT Depot ang nagka-aberyang tren para isailalim sa pagkumpuni.

Facebook Comments