Isang abogada ang dinisbar ng Korte Suprema dahil sa pag-iisyu ng dalawang tumalbog na cheke at pagkabigo nitong magbayad ng utang.
Sa desisyon ng Supreme Court En Banc, binawi na ang lisensya sa pagiging abogado ni Atty. Elerizza Libiran-Meteoro dahil guilty ito sa gross misconduct.
Noong 2013, naglabas ng postdated checks si Libiran para sa Maliliw Lending Corporation sa kaniyang personal loan pero tumalbog ang tseke.
Kasunod nito, hindi na sinasagot ni Libiran ang kinatawan ng lending company at napag-alaman na anim na buwan na pala itong suspendido bilang abogada.
Ayon sa korte, ang mga abogado pa dapat ang unang sumusunod at gumagalang sa batas pero taliwas ito sa ginawa ni Libiran.
Dahil dito, nagdesisyon ang korte na alisin na siya bilang abogada at pinagmulta rin ng P35,000 sa paglabag sa panuntunan ng Intergrated Bar of the Philippines.