Nakatanggap na ng Enhanced Community Quarantine o ECQ cash assistance ang hindi bababa sa 180,359 mga pamilya sa Caloocan.
Ito’y katumbas ng 44% ng target na benepisyaryo na kinakailangang mabigyan ng ayudang pinansyal.
Ayon sa Caloocan Local Government Unit (LGU), sa loob ng unang limang araw ng pamamahagi ng cash assistance ay umabot na sa P658,631,000 ang naipamahagi sa nasabing mga pamilya.
Sa kabuuan, hindi bababa sa 410,053 pamilya sa lungsod ang nakatakdang mabigyan ng ayudang ito mula sa pamahalaang nasyonal.
Nakatakda pang magdagdag ang pamahalaang lungsod ng payout sites upang mas mapabilis pa ang pamamahagi sa iba pang mga benepisyaryo. Kabilang sa mga makatatanggap ng ayudang pinansyal ay ang mga dati nang SAP beneficiaries, 4Ps members, Person with Disability (PWDs), solo parents, at TODA/JODA members.