Manila, Philippines – Naglabas na ng official statement si Abra Representative Joseph Bernos sa nangyaring pagsabog sa kanyang distrito sa gitna ng kapistahan ng Nuestra Señora de La Paz kung saan dalawa ang naitalang mga nasawi.
Kasama ng kongresista sa nangyaring Abra bombing ang kanyang asawa na si Abra Mayor Menchie Bernos at ang dalawang nasawing pulis na sina PO3 Carlos Bocaig na survivor ng Mamasapano tragedy at si PO2 Frenzel Kitoyan.
Ayon kay Congressman Bernos, ang pambobomba ay personal na atake sa kanya, sa kanyang pamilya at sa kanyang pagiging kongresista at nataong siya ang may-akda ng PNP Modernization Bill.
Hinala ni Bernos na nais siyang pabagsakin at nais sirain ang pag-unlad at ang matagal nang kapayapaan sa Abra.
Hindi naman na binanggit ng mambabatas ang ibang dahilan at kung sino ang mga nasa likod ng pag-atake dahil sa patuloy pang imbestigasyon ng mga otoridad.
Nakahanda naman ang kongresista na magbigay ng tulong sa mga nadamay sa pagsabog.