Umaasa si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na papayagang magpatuloy ang operasyon ng ABS-CBN habang nakabinbin ang aplikasyon nito para sa franchise renewal.
Paliwanag ni Poe, marami ang maaapektuhan at may mga mawawalan ng trabaho kung bigla na lang ititigil ang operasyon ng ABS-CBN.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa May 4, 2020 pa mapapaso ang prankisa ng ABS-CBN at hindi sa March 30.
Paliwanag ni Guevarra, kailangang maglabas ang Kongreso ng resolusyon na nag-aatas sa National Telecommunications Commission o NTC na bigyan ng provisional permit ang ABS-CBN para makapagpatuloy ng operasyon.
Pero sabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat may malinaw na patakaran o saklaw ang nabanggit na temporary permit lalo’t lumalabas na pwede itong bawiin anumang oras.
Binanggit din ni Poe na sakaling mapatunayan na may paglabag ang ABS-CBN ay hindi pa rin ito sapat para ipagkait ang pag-renew sa prangkisa.
Samantala, sa hearing ay sinabi naman ni Bureau of Internal Revenue Audit Chief Simplicio Cabantac Jr. na walang utang na buwis ang ABS-CBN kung saan umaabot sa 14.39 billion pesos na ang naibayad nitong buwis simula 2016.