Nagbabala ang ABS-CBN na mapipilitan silang maglabas ng listahan ng mga empleyado na matatanggal sa trabaho sa mga susunod na linggo.
Ito ay matapos mahinto ang kanilang Free TV at Radio Operations kasunod ng pagpapalabas ng National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order.
Sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak na tungkulin nilang protektahan ang kanilang mga empleyado habang suspendido ang kanilang broadcast operations.
Aminado si Katigbak na palaki nang palaki ang kanilang nalulugi kaya hindi nila inaalis ang posibilidad na may mawawalan ng trabaho.
Nasasaktan din si Katigbak na makita ang sitwasyon ng kanilang mga empleyado na ikinokonsidera na niyang pamilya.
Nanindigan din siya na walang dahilan para i-shut down ang broadcast operations ng ABS-CBN dahil wala silang nilalabag na batas.
Para kay House Speaker Alan Peter Cayetano, ang isyu sa franchise renewal ng network ay hinahati at kinukuha na ang oras na nakalaan sana sa pagtalakay ng iba pang mahahalagang usapin tulad ng mga hakbang laban sa COVID-19.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Cayetano na magkakaroon ng patas at komprehensibong pagdinig hinggil sa isyu.