Nagsumite na ng kanilang komento ang ABS CBN Corporation kaugnay ng mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na humihiling sa Korte Suprema na magpalabas ng gag order laban sa nasabing media network.
Layon ng mosyon na pagbawalan ang ABS CBN at partido o indibidwal na kumakatawan dito na maglabas ng anumang pahayag na tumalakay sa merito ng prangkisa ng kumpanya.
Una nang naghain ng Very Urgent Motion for Issuance of Gag Order si Solicitor General Jose Calida dahil paglabag aniya ito sa Sub-Judice Rule dahil may nakabinbing Judicial Proceeding.
Binanggit din ng OSG ang mga post sa social media ng mga artista at talents ng ABS-CBN na may opinyon sa petition for Quo Warranto.
Magugunitang noong February 10 naghain ng Quo Warranto Petition ang Solicitor General (SolGen) laban sa ABS-CBN Corporation at subsiduary nito na ABS-CBN Convergence Incorporated.
Nais ng SolGen na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa aniya ay nadiskubreng pang-aabuso sa prangkisang pinagkaloob ng gobyerno.
Noong Pebrero 11 ay iniutos ng en banc ng Supreme Court na magkomento ang respondents sa loob ng sampung araw.