Susubukan muli ngayong Marcos administration ang kapalaran ng ABS-CBN matapos na ihain muli ang panukala sa Kamara kaugnay sa pagbibigay ng panibagong 25-taong prangkisa sa broadcasting network.
Sa House Bill 1218 na inihain ng Makabayan Bloc, binigyang diin na ang hindi pagre-renew sa prangkisa ng ABS-CBN noong 18th Congress ay maituturing na taliwas sa kalayaan at karapatan sa pamamahayag na pinoprotektahan ng Konstitusyon.
Ngayon anila ay mas naghahari na ang disinformation, fake news at historical amnesia at ang democratic institutions tulad ng media ay nahaharap sa matinding gyera.
Lumiliit din ang demokratikong espasyo ng mga media outlet dahil sa ginagawang pagpapasara ng gobyerno.
Bukod sa 25 taong prangkisa, nakasaad din sa panukala ang probisyon na maglaan ng sapat na oras para sa serbisyo publiko at mayroon ding ‘special right’ na ibinibigay sa pangulo na magamit ng pamahalaan ang istasyon at mga kagamitan nito sa panahon ng gyera, rebelyon, kalamidad at pagkabalam ng kapayapaan.