Kinumpirma ni Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na posibleng magbukas muli sa 2021 ang operasyon ng TV giant ABS-CBN bilang resulta ng pagpapalit ng liderato sa House of Representatives.
Ayon kay Atienza, sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ay maibabalik muli sa floor ang diskusyon sa pagpapalawig sa prangkisa ng ABS-CBN.
Matatandaan sa botong 70 pabor, 11 na pagtutol at 1 abstain ay binasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sinabi naman ni House Minority leader at Abang-Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano na pagpasok ng 2021 ay maaari nang maghain ng franchise renewal application ang ABS-CBN alinsunud na rin sa rules ng Kamara.
Sa ngayon ay wala pang pro-ABS-CBN congressman ang naghahayag ng kanilang intensyon na maghain ng panukala para irenew ang prangkisa ng nasabing TV Network pero, kung pagbabatayan ang House rules ay maaaring hindi na maghain ng bagong aplikasyon dahil maaari namang gamitin ang dati nang panukala dahil walang pagbabawal sa filing o refiling ng mga bills na hindi naaktuhan ng komite.
Matatandaan na nasa 16 mambabatas sa Kamara ang sponsor ng ibat ibang resolusyon at panukala para sa franchise renewal noon ng ABS-CBN.