ABS-CBN shutdown, ‘kasalanan ng Kongreso at ni Speaker Cayetano’ – Rep. Atienza

FILE PHOTO

“I would like to apologize for the failure of Congress to do its job. Kasalanan namin ito e. Kasalanan ng Kongreso ito. But more importantly, I would like to say squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito.”

Ito ang tahasang pahayag ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza tungkol sa napasong prangkisa ng ABS-CBN na nagresulta sa pagtigil ng broadcast operations ng istasyon nitong Martes ng gabi, Mayo 5.

Sa panayam ng ANC, hindi napigilang sisihin ni Atienza ang Kamara lalo na si House Speaker Alan Peter Cayetano dahil nabigo silang maipasa ang panukalang batas na magpapalawig sana sa legislative franchise ng ABS-CBN.


Ilang beses daw silang nagpaalala hinggil sa nakabinbing panukala hanggang sa abutan ng lockdown dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Giit pa ng kongresista, maari raw pagbotohan ang ABS-CBN franchise renewal bill sa loob lamang ng isang araw.

“Pagkukulang niya ito (Cayetano) sa bayan, he will have a lot to explain one day. It may not be today but later on this issue will hound him because he’s the one who did not do his job,” dagdag ni Atienza.

Naiintindihan naman daw ng mambabatas ang ginawang aksyon ng National Telecommunications Commission (NTC) nang maglabas ng cease and desist order laban sa giant network.

“I will not agree that tatawagin pa ang NTC. Bakit sila ang ating paparusahan? Parusahan natin ang sarili natin,” pagpapatuloy niya.

Wala rin umanong kasalanan ang Palasyo hinggil sa pag-apruba ng prangkisa.

Manggagaling lamang ang lisensya ng TV at radio stations sa Kongreso, na kasalukuyang pinamumunuan ni Cayetano.

“If Speaker Cayetano would like to act on this problem, today we have a session this afternoon, Ilabas niya sa floor yan, aprubado na ‘yan.”

Sa ilalim ng Republic Act 3846 o Radio Control Law, walang tao, kompanya, o asosayon na puwedeng magkabit, magtatag, magtayo o mag-operate ng radio transmitting o receiving station para sa commercial purposes na walang prangkisa mula sa Kamara.

Na-expire ang license to operate ng ABS-CBN noong Lunes, Mayo 4.

Wala pang reaksyon si Cayetano kaugnay ng saloobin ni Atienza.

Facebook Comments