Absolute pardon kay Pemberton, presidential prerogative na hindi maaring kwestyunin

Binigyang diin ni Senator Christopher Bong Go na ang pagkakaloob ng Executive Clemency or pardon ay isang absolute power at prerogative ng Presidente na hindi maaaring kwestyunin ninuman kaya kaniya itong nirerespeto at sinusuportahan.

Paliwanag naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang pag-pardon sa isang sentensyado sa anumang krimen ay isang kapangyarihan na ipinagkaloob sa Pangulo ng 1987 Constitution, Article VII, Section 19.

Dahil dito ay sinabi ni Sotto na walang patutunguhan ang pagkwestyon sa executive pardon kay US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at ang kaso ng pagpatay nito sa transgender na si Jennifer Laude ay maituturing ng sarado.


Diin naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, ang pardon kay Pemberton ay tumatapos sa lahat ng debate at diskusyon ukol sa isyu ng legalidad ng pagpapalaya kay Pemberton base sa Good Conduct Time Allowance.

Sang-ayon din si Lacson na pagsasayang lang ng oras na pagtalunan ang pagpardon ng Pangulo kay Pemberton dahil ito ay nakasandig sa Konstitusyon.

Dagdag pa ni Lacson, welcome na bumalik si Pemberton sa bansa dahil inalis na ng absolute pardon ang criminal liability nito at ibinalik ng buo ang kaniyang civil rights.

Sinuportahan at pinasalamatan naman ni Senator Imee Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang desisyon nito ay nagpakita sa malalim at maayos na relasyon ng Pilipinas at Amerika.

Mainam din para kay Marcos na tinapos na ng Pangulo ang isyu na maaari pa sanang samantalahin balang-araw ng mga politiko sa panig ng oposisyon.

Para kay Marcos, naisilbi na sa kaso ni Pemberton ang hustisya batay sa sistema ng ating hudikatura at batay sa nilalaman ng Visiting Forces Agreement o VFA.

Facebook Comments