Tuburan, Basilan- Natukoy na ng militar ang pagkakakilanlan ng napatay na miyembro ng teroristang Abu Sayyaf sa nangyaring sagupaan kahapon sa Sitio Bohe Kirey, Barangay Dugaa sa munisipyo ng Tuburan lalawigan ng Basilan.
Ayon kay Col. Juvymax Uy, ang commander ng Joint Task Force Basilan, na dalawa ring mga kasapi ng Barangay Peace-keeping Action Team (BPAT) ang nasawi sa nasabing engkwentro.
Kinilala ni Uy ang napatay na bandido na si Hassan Apino na kabilang umano sa grupo ng Abu Sayyaf na responsable sa mga insidente ng seajacking sa karagatan ng Basilan.
Nabatid na mag-alas-11:00 ng umaga kahapon habang nagsasagawa ng patrolya ang mga sundalo kasama ng mga BPAT nang makaengkuwentro nila ang nasa humigit kumulang 20 mga Abu Sayyaf na pinaniniwalaang may hawak sa mga natitirang bihag mula sa mga nagdaang insidente ng seajacking sa Basilan.
Umabot umano hanggang 20 minuto ang sagupaan bago umatras ang mga bandido.
Wala namang naiulat nasugatan sa panig namang ng mga sundalo na ngayon ay patuloy na tinutugis ang mga tumakas na Abu Sayyaf.