Literal na binakante ang opisina ng isang opisyal na sinibak ni Pasig Mayor Vico Sotto sa puwesto dahil sa umano’y mga kuwestiyonableng gawain at pagkaabusado.
Inanunsyo ni Sotto sa kanyang Facebook page nitong Linggo, Agosto 18, ang pagpapatalsik niya sa hindi pinangalanang opisyal.
“This is the room of one office head after I fired him,” hayag ng alkalde sa Facebook post na kasama ang larawan ng binakanteng opisina.
“The pictures show how some people treat the government like their private property,” aniya.
Sinabi ni Sotto na ilan sa mga matatagumpay na transisyon sa LGU ay hindi naman kinailangan ng malawakang tanggalan ng tauhan.
Binibigyan aniya nila ng pagkakataon ang lahat ng tauhan ngunit giit ng alkalde, “we will deal with the abusive as they deserve, and with the full force of the law.”
Hinimok ni Sotto na ipagpatuloy ang pagsisiwalat sa mga baluktot na gawain ng mga opisyal ng Pasig.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinimot ng mga lokal na opisyal ang mga gamit sa kani-kanilang opisina matapos umalis sa puwesto.
Matatandaang literal ding binakante nina Cebu City Mayor Tommy Osmeña at dating Cebu City Councilor Mary Ann Delos Santos ang kanilang mga opisina matapos matalo sa nakaraang eleksyon.
BASAHIN: Outgoing Cebu City mayor Osmeña, ‘binakante’ ang opisina para sa bagong admin
Pananagutin daw ng Department of Local and Interior Government (DILG) si Osmeña, na nag-giit na wala siyang nilabag na batas dahil sariling pera niya umano ang ginamit sa pagpapaayos ng dating opisina.