Academic flexibility, isinusulong ng isang kongresista

Iminungkahi ni ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo ang academic flexibility kung saan ipinatatakda sa fourth quarter ng taon ang pasukan para sa School Year 2021-2022.

Giit ni Tulfo, hindi academic freeze kundi academic flexibility ang dapat na gawin upang mas mabigyan ng mahabang panahon o break ang mga estudyante para makatulong sa kanilang mental health sa gitna na rin ng ipinapatupad na blended learning.

Dahil sa kasalukuyang takbo ng mga clinical trials para sa COVID-19 vaccine, malabo pang mabakunahan sa Hunyo ng susunod na taon ang mga guro at mga estudyante.


Dahil dito, hiniling ni Tulfo na itakda sa huling bahagi o fourth quarter ng taon ang pasukan dahil posibleng dito pa lamang magiging available ang bakuna at matitiyak na ligtas nang magsagawa ng face-to-face classes sa mga paaralan.

Bunsod nito ay maaaring ma-extend ang kasalukuyang School Year sa katapusan pa ng Hunyo o sa Hulyo na nangangahulugan ng mas mahaba-habang pahinga din sa mga mag-aaral.

Umaapela rin si Tulfo sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Task Force on Vaccination na isama ang sektor ng edukasyon sa pagtukoy ng sistematikong pamamaraan ng pagbabakuna para sa mga guro, estudyante at kanilang mga pamilya.

Pinapa-develop din ng kongresista ang IATF ng isang tentative vaccination plan na maaaring i-adjust depende kung kailan maisasagawa ang pagbabakuna.

Facebook Comments