Hiniling ng Faculty Union ng University of Sto. Tomas (UST)sa Maynila ang pagpapatupad ng “academic freeze” sa UST hanggang sa April 11.
Sa harap ito ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan pinalawig din ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Ang naturang kahilingan para sa academic freeze ay ipinost ng The Varsitarian na official student publication ng UST.
Mabilis namang tumugon sa panawagan ang Office of the Secretary General ng UST at nagpalabas ito ng abiso ngayong araw sa pagpapalawig ng suspensyon ng klase at sa trabaho sa UST hanggang sa April 11.
Layon nito na mabigyang daan ang pagtutok sa kalusugan at sa pamilya sa harap ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Una nang hiniling ng mga eksperto na kailangang palawigin pa ang ipinatutupad na ECQ upang makatulong sa kalagayan ng health care system sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.