Friday, April 10, 2026

Calendar of activities para sa BARMM Elections sa Setyembre, inilabas na ng Comelec

Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang Calendar of Activities para sa kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Batay sa resolusyon ng poll body, sa May 5 hanggang May 7 isasagawa ang paghahain ng certificates of candidacies.

Mula July 16 hanggang September 29 naman iiral ang election period kung saan epektibo ang gun ban, pagbabawal sa pagpapalit at pagbuo ng mga bagong presinto, at paglilipat o suspensiyon ng mga kawani ng gobyerno nang walang pahintulot ng Comelec.

Habang mula July 30 hanggang September 12 naman tatakbo ang campaign period bago ang halalan sa September 14.

Mula September 4 hanggang sa mismong araw ng halalan, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang paglalabas ng pondo maliban sa medical at burial assistance.

Isang buwan pagkatapos ng halalan o sa October 14 naman ang huling araw para sa paghahain ng statements of contributions and expenditures o SOCE ng mga tumakbo sa BARMM Elections.

Nitong Marso nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nagtatakda sa unang BARMM Elections sa ikalawang Lunes ng Setyembre ngayong taon.

Facebook Comments