Achievements ni PRRD sa loob ng 3 taon, ipinagmalaki

Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Malacañang ang mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo – nasa kalahati pa lamang ng termino ang Pangulo pero marami na ang napagtagumpayan nito kabilang na ang paglaban sa ilegal na droga, kriminalidad, terorismo at rebelyon.

Binanggit din ng Palasyo ang mga nilagdaang batas ng Pangulo kabilang na ang libreng tuition sa States Universities and Colleges, libreng irigasyon sa mga magsasaka, libreng internet sa pampublikong lugar, pagtatatag ng feeding programs sa public school students, universal healthcare program, libreng gamot at tulong pinansyal sa mga indigent patients, mandatory PhilHealth coverage sa mga PWDs, subsidy sa mga ospital ng gobyerno.


Hindi rin kinalimutan ng Pangulo ang dagdag pension sa SSS para sa mga senior, dagdag sahod sa mga kawani ng gobyerno, sundalo, pulis, jail officers, at firemen pagbabawal sa illegal labor subcontracting at work-from-home arrangements.

Isinabatas din ng Pangulo ang mga hakbang para maiahon sa kahirapan ang mga naghihikahos na mga Pilipino tulad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, Magna Carta of the Poor.

Nakapamahagi rin ang Pangulo ng land ownership sa libu-libong agrarian reform beneficiaries.

Hindi rin pinabayaan ng Pangulo ang mga OFW at nagtatag ng bangko na para lamang sa kanila o Overseas Filipino Bank.

Mas tumibay pa ang ekonomiya ng bansa sa tulong ng maambisyosong Build Build Build Program at paghabol sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Hindi rin nawawala ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na layong gawing “Island of Promise” at “Island of Fulfillment” ang Mindanao.

Mahigpit ding binantayan sa ilalim ng Duterte administration ang isyu ng korapsyon.

Tinutukan din ng Pangulong Duterte ang pangangalaga at pagprotekta sa kalikasan kabilang ang Boracay at Manila Bay rehabilitation.

Facebook Comments