Nanawagan ang grupong Alliance of Concerned Teachers sa Department of Education (DepEd) na mapunan ang libu-libong mga bakanteng posisyon ng mga guro sa buong bansa.
Sabi ni ACT Philippines Secretary General Raymond Basilio, sa kasalukuyan ay nasa 800,000 lamang ang mga guro sa buong bansa habang mahigit 24 milyon naman ang bilang ng mga estudyante.
Ipinunto pa ni Basilio na hindi pa maaaring magsiksikan sa mga classroom kagaya noong bago tumama ang COVID-19 pandemic kung kaya’t mas maraming guro ngayon ang kinakailangan.
Samantala, una nang itinutulak ng grupong Teachers’ Dignity Coalition na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase upang magbigay daan na makapagpahinga ang mga guro.
Pero batay sa DepEd order, tuloy na ang pagbubukas ng school year 2022-2023 sa August 22 at kinakailangang makapag-adjust na rin ang lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa para sa face-to-face classes bago ang Nobyembre 2, 2022.