ACT Teachers Party-list, marami nakikitang red flags sa Maharlika Investment Fund Bill

Isa si ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa bumoto ng “no” sa pagpapatibay sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF).

Diin ni Castro, maraming red flags sa panukala na aniya’y inaprubahan na sa Committee on Banks and Financial Intermediaries ang Maharlika Wealth Fund Bill bago pa man magsagawa ng “briefing” sa mga stakeholder.

Giit ni Castro, dahil sa pamumuhunan sa MIF ay malalagay sa peligro ang mga dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na para sana maitaas ang kapital nito mula sa P50 billion patungong P200 billion.


Dagdag pa ni Castro, hindi rin dapat pagkuhaan ng pondo para sa MIF ang Landbank at Development Bank na ang mandato ay para tulungan ang mga magsasaka at mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) hindi ang mga malalaking at dayuhang mga kompanya.

Ayon kay Castro, hindi rin totoo na tuluyan ng tinanggal ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa mga maaaring mag-invest sa seed fund ng Maharlika Investment Fund dahil nakasaad sa panukala na ang Government Financial Institution at Government Owned and Controlled Corporation ay maari ding mamuhunan sa MIF.

Ipinunto rin ni Castro na walang independent sa Board of Directors dahil ang advisory body na pipili sa apat na “independent directors” ay binubuo ng Department of Budget and Management (DBM) secretary, National Economic and Development Authority (NEDA) director general at Treasurer of the Philippines na pawang appointees din ng pangulo.

Pinuna rin ni Castro ang napakaraming exemptions ng MIF Corporation, tulad ng exempted ito sa Salary Standardization Law, National and Local Taxes, Government Procurement Reform Act, Existing laws and Regulations on the Disposal of Government Assets GOCC Governance Act of 2011.

Facebook Comments