Nag-ikot at nag-inspeksyon ngayong araw si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Jim Sampulna sa Manila Bay Dolomite Beach.
Ito’y upang masiguro na malinis at malinaw ang Manila Bay.
Bukod dito, nais din makita ni Sampulna ang ginagawang karagdagang 500 metro ng pagtambak ng mga dolomite sand.
Nabatid kasi na target ng DENR na muling buksan ang Manila Bay Dolomite Beach matapos ang Mahal na Araw kung saan patuloy ang ginagawa nilang rehabilitasyon upang magkaroon na rin ng pagkakataon ang publiko na makalangoy dito.
Nais din ng DENR na maging ligtas sa publiko ang Manila Bay Dolomite Beach habang tinatapos na nila ang paglalagay ng mga water pump sa sewerage system upang maging malinaw na ang tubig sa dagat.
Sinabi pa ng kalihim na sa susunod na linggo ay iikot ang mga tauhan ng DENR para magkasa ng saturation drive.
Ito’y upang mainspeksyon nila ang mga linya ng sewerage system ng mga establisyemento, buildings at mga hotel na nakapalibot sa Manila Bay.