Action plan para sa week-long transport strike, ikinakasa na ng QC LGU

Bilang paghahanda sa week-long transport strike simula sa Lunes, ikinasa na ng Quezon City Local Government Unit (LGU) ang kanilang mga hakbang para asistihan ang mga commuter na maapektuhan ng kakulangan sa bibiyaheng public transportation.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, inilagay na ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) sa standby status ang Quezon City bus service units para sa agarang deployment sa mga lugar na kung saan malaking bilang ng mga stranded na pasahero.

Kabilang dito ang Cubao, Commonwealth Avenue, Welcome (Mabuhay) Rotonda, Novaliches Bayan, LTFRB, East Avenue, Quezon Memorial Circle (QMC) at Fairview area.


Inatasan din ni Mayor Belmonte ang barangay and community relations department na paganahin ang mga barangay vehicles para sa libreng sakay sa kanilang mga nasasakupan.

I-mo-monitor naman ng TTMD at ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ang mga lugar na may maitatalang mataas na volume ng stranded passengers.

Babantayan din nila ang mga ilulunsad na protest rallies ng mga driver at operator sa lungsod.

Tiniyak naman ng Quezon City Police District (QCPD) na mag-de-deploy ito ng mga pulis sa mga critical areas para masiguro ang seguridad ng riding public at ng mga miyembro ng PUVs na lalahok sa transport strike.

Facebook Comments