Ipinag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) ang paglalagay ng mga Malasakit Help Desk (MHD) sa lahat ng transport hub sa buong bansa.
Bahagi ito ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2019” na layong bigyan ng maginhawa at ligtas na biyahe ang mga uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Mula October 25 hanggang November 4 pagaganahin ang MHD na magsisilbing one-stop shop para sa mga pasaherong mangangailangan ng tulong sa mga terminal, paliparan, pantalan at mga istasyon ng tren.
Ipinaalala naman ng DOTr na libre sa pagbabayad ng terminal fees ang mga estudyante, senior citizens, PWDs at aktibong miyembro ng AFP, PNP at PCG sa mga airport na ino-operate ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at seaports na pinamamahalaan ng Philippine Ports Authority (PPA).
Samantala, handa na rin ang Land Transportation Office (LTO) sa pagkakasa ng inspeksyon sa mga bus terminal.
Ilang biyahe naman ng mga bus liner sa Sampaloc, Maynila ay fully-booked na halos dalawang linggo bago ang Undas.