Umabot na sa mahigit 103 milyong active SIM cards ang naiparehistro na sa ngayon.
Pero sa Laging Handa public briefing, sinabi ni National Telecommunications Commission (NTC) deputy Commissioner Atty. Jon Paolo Salvahan na aasahan nilang aabot sa 100 milyong active SIM cards ang inaasahang mairerehistro.
Posible rin aniyang maitaas pa ito hanggang 110 milyon hanggang pagsapit ng huling araw ng deadline sa July 25, 2023.
Binigyang diin ng opisyal na wala nang panibagong extension pang ipatutupad, batay na rin sa pakikipagkoordinasyon nila sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Payo naman ni Salvahan sa publiko, mawawalan ng access pansamantala sa kanilang e-wallet payment service accounts ang mga SIM card user na mabibigo pa ring makapagparehistro pagkatapos ng deadline, kaya maigi aniyang magparehistro na ngayon.
Para naman aniya sa mga bagong prepaid SIM card, walang deadline kung hanggang kelan ito pwedeng iparehistro dahil tuloy-tuloy lamang ang registration.
Ayon kay Salvahan, ang mga bagong prepaid SIM card kasi aniya na bibilhin pa lamang ay awtomatikong deactivated pa at gagana lamang kapag ipinarehistro.
Wala rin aniyang limit sa bilang ng mga SIM card na pwedeng iparehistro basta tamang impormasyon lamang ang ilalagay rito.