Active surveillance sa pamamagitan ng random COVID-19 testing, inirekomenda ni Senator Villanueva

Labis ngayong ikinababahala ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang mahigit isang libo o dalawang libong nadadagdag na positibong kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.

Dahil dito, inirekomenda ni Villanueva ang pagbabago sa estratehiya ng gobyerno para maikasa ang active surveillance sa pamamagitan ng pagsasagawa ng random COVID-19 testing sa mga komunidad, opisina at lugar-paggawa.

Ito ay para matukoy kung saan ang mga hotspot at upang malaman kung gaano na kalawak ang pagkalat ng sakit sa Pilipinas.


Diin ni Villanueva, mapanganib ang kasalukuyang sistemang ipinapatupad ng health authorities na walang active monitoring kaya nagugulat na lang tayo na kalat na ang COVID-19 sa ilang lugar.

Ayon kay Villanueva, sa ngayon ay passive surveillance ang ginagawa ng pamahalaan kung saan nakadepende lang ito sa reports ukol sa COVID-19 cases mula sa mga ospital, clinic, public health facilities at private practioners.

Giit ni Villanueva, kailangang maging proactive ang gobyerno upang maprotektahan ang kalusugan ng ating mga manggagawa na siyang sandigan ng tiwala at sigla ng pagnenegosyo sa bansa.

Facebook Comments