Naitala bilang Top 3 Notifiable Disease noong Enero ang acute gastroenteritis, influenza-like illness at dengue base sa surveillance data ng Region 1 Medical Center Hospital Epidemiology Center.
Sa tatlong sakit na nabanggit, pinakamataas ang naitalang kaso ng acute gastroenteritis na nasa 198, tumaas ng 46.67 porsyento mula sa datos noong Enero 2025, at nakapagtala ng dalawang indibidwal na pumanaw sa sakit.
Karaniwan sa mga kaso ay mula sa mga edad 1 hanggang 4 na taong gulang, kung saan pinakamataas sa naturang bilang ay naitala sa Dagupan City na may 89 kaso, San Fabian na nagkaroon ng 22 kaso, Mangaldan sa 21 na kaso, Calasiao na nakapagtala ng 13 kaso at Sta. Barbara na may 11 kaso.
Sumunod sa listahan ang influenza-like illnesses na umabot sa 98 ang naitalang kaso na karaniwang naitala sa Dagupan City sa bilang na 58; Calasiao na 12 ang kaso; Mangaldan na may anim na kaso, kabilang pa ang mga kaso mula sa ilang kalapit na bayan.
Bumaba naman ng 46.25 porsyento ang naitalang kaso ng Dengue sa parehong buwan noong nakaraang taon. Sa 43 kaso na naitala, isa ang kumpirmadong nasawi mula sa sakit habang pinakamataas naman ang kaso na naitala mula sa mga bayan ng Dagupan City na nasa walo; Mangaldan na nasa pito; Sta. Barbara na nasa apat; at Rosales na may tatlong kaso.
Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng health authorities na panatilihin ang kalinisan mula sa pangangatawan, kapaligiran, maging sa pagkain at tubig. Hinihikayat din ang maagap na pagpapakonsulta kapag nakaranas ng sintomas para mabigyan ng kaukulang medikasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










