Ad interim appointment ni Agrarian Reform Sec. Conrado Estrella III, lusot na sa Commission on Appointments

Lusot na sa Committee on Agrarian Reform ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III.

Si Senator JV Ejercito ang nagrekomenda para sa CA plenary approval sa appointment ni Estrella na sinegundahan naman ni Pangasinan Rep. Ramon Guico Jr.

Bago makalusot sa pagdinig ng komite, nagpahayag si Estrella na hindi siya tutol sa anumang land conversions basta’t ang lupa ay hindi irrigated land.


Ang posisyon ng Kalihim ay alinsunod na rin sa posisyon at kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na kung ang lugar ay irrigated ay hindi ito maaaring i-convert.

Aniya pa, kung ang lugar naman ay highly-urbanized at handa na para sa commercial, residential o industrial purposes ay maaaring gawin ang conversion ng mga lupain lalo kung ito ay makapagdadala ng dagdag na trabaho at kabuhayan sa mga mamamayan.

Samantala, ngayong umaga ay nakasalang din para sa pag-apruba ng CA ang 63 General/Flag at Senior Officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at si Environment Secretary Ma. Antonia Yulo Loyzaga.

Facebook Comments