Ad Interim appointment ni Budget Sec. Pangandaman, lusot na rin sa komite ng CA

Nakalusot na sa Committee on Budget and Management ng Commission on Appointments (CA) ang Ad Interim appointment ni Budget Sec. Amenah Pangandaman.

Inirekomenda ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang plenary approval sa posisyon ni Pangandaman na sinegundahan naman ni Senator Loren Legarda.

Partikular na naitanong sa kalihim ang posisyon nito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) matapos na maharap sa kaliwa’t kanang kontrobersiya sa pagbili ng mga kagamitan at supplies sa ilang mga ahensya.


Sinabi ni Pangandaman na mayroon na siyang inihandang listahan ng mga reporma sa PS-DBM kung saan kabilang dito ang pagtutok sa ‘common use supplies’, digitalization sa pagbili ng mga produkto sa online para matiyak ang maayos na inventory, at pagsasagawa ng bidding process sa online para sa transparency sa publiko.

Isinusulong din ni Pangandaman na ipagbabawal na ang pagda-download ng budget ng government agencies sa PS-DBM para sa mga proyektong hindi kayang tapusin o ipatupad upang maiwasan ang kontrobersyal na ‘parking’ ng pondo.

Dagdag pa sa nabusisi sa kalihim ang cash-based budgeting, planong Mandanas-Garcia ruling, at pag-amyenda sa Procurement Law.

Si Pangandaman ay nagsilbing dating Chief-of-Staff ni dating Senate President Edgardo Angara, nagtrabaho rin noon kay Senator Loren Legarda, naging dating Budget Undersecretary at Bangko Sentral ng Pilipinas Assistant Governor sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments