Ad interim appointment ni DMW Sec. Susana ‘Toots’ Ople, lusot na sa committee level ng CA; deliberasyon naman sa appointment ni Energy Sec. Raphael Lotilla, sinuspinde

Inaprubahan na ng komite ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susana “Toots” Ople.

Iminosyon ni CA Majority Floor Leader Lray Villafuerte ang pag-endorso sa plenary confirmation kay Ople na agad isasalang ngayong hapon.

Sinegundahan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kumpirmasyon sa ad interim appointment ni Ople sabay sabing walang ibang nararapat sa posisyon maliban kay Ople.


Tiniyak naman ni Ople ang lalo pang pagpapalakas at pagpapatatag sa bagong kagawaran.

Nauna ring sinabi ng kalihim na kapag siya’y nakumpirma ay nangangahulugan ito ng ‘solid standing’ bilang itinalagang guardian at protector ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa iba’t ibang bansa.

Samantala, sinuspinde naman kanina ang deliberasyon sa ad interim appointment ni Energy Secretary Raphael Lotilla.



Si Senator JV Ejercito ang nagmosyon pagsuspinde sa pagtalakay sa kumpirmasyon ni Lotilla dahil marami pang senador ang nakalinya para magtanong sa kalihim at kulang na rin sa oras ang CA.

Facebook Comments