Lusot na sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil.
Mabilis lang na naaprubahan ng CA panel ang ad interim appointment ng nasabing opisyal at wala namang naging mabigat na isyu na ibinato sa kaniya ang mga miyembro.
Ngayon ay isasalang na sa plenaryo para aprubahan ng makapangyarihang CA ang ad interim appointment ni Garafil.
Mismong si Senate President Juan Miguel Zubiri ang umapela kanina sa mga kasamahan sa CA na agad aprubrahan ang ad interim appointment ni Garafil upang ganap na itong makapagsilbi bilang PCO secretary.
Sinabi pa ni Zubiri na “very well loved” at “very well liked” si Garafil hindi lamang ng Malacañang media kundi pati na rin ng Senate media kung saan karamihan sa mga ito ay nakasama ng secretary noong siya ay nasa media pa.
Si Garafil ay limang buwan na nagsilbi bilang OIC sa PCO, at bago ito sa maikling panahon naging Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman muna sa ilalim din ng Marcos administration, nagsilbing prosecutor ng Department of Justice (DOJ) noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at naging bahagi rin ng media.