Parehong nakalusot sa committee level ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment nina Environment Sec. Ma. Antonia Yulo Loyzaga at Tourism Sec. Ma. Esperanza Christina Frasco.
Sa panel hearing ng CA, nausisa si Loyzaga sa kaniyang posisyon patungkol sa small-scale mining, open-pit mining, isyu ng Masungi Georeserve at ang usapin sa kaniyang mga inheritance o mana.
Mas nasentro ang pagdinig sa ad interim appointment ni Loyzaga nang ungkatin ni SAGIP Rep. Rodante Marcoleta ang 34 entities na pag-aari ng kalihim bago ito naitalaga sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Iginiit ni Marcoleta na kailangang i-divest o ilipat ang mga negosyo at kung ano pang pinansyal, personal at kompanyang pag-aari ni Loyzaga nang sa gayon ay malinis at hindi mapag-isipan ng publiko lalo’t mahalaga ang posisyon na ibinigay sa kanya ng pangulo.
Pero agad namang kinontra ni Senator Cynthia Villar si Marcoleta at sinabing hindi maililipat ang mga pag-aari at negosyo na nakuha mula sa mana.
Sinuportahan din nila Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Loren Legarda ang integridad ni Loyzaga na ito ay mula sa angkan ng mga pinakamayayaman sa bansa noong 1950s at 1960s.
Samantala, mabilis namang nakalusot sa CA panel ang ad interim appointment ni Frasco na inendorso para sa plenary approval ni CA Majority Leader Rep. Luis Raymund Villafuerte.
Mababatid na si Frasco ay dating alkalde ng Liloan, Cebu at naging tagapagsalita noong halalan ni Vice President Sara Duterte.