Tutulong ang Asian Development Bank (ADB) para sa planong pagkakaroon ng Food Stamp Program sa bansa na pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos na makipagpulong kay ADB President Masatsugu Asakawa sa ADB headquarters.
Sinabi ng pangulo, nakikita niyang magiging epektibo ito sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino lalo’t epektibo ito sa ibang mga bansa.
Ang Food Stamp Program ay una nang ipinanukala ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na muling simulan sa bansa para makatulong na mabawasan ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino.
Bukod sa usapin sa Food Stamp Program, sinabi ng pangulo na natalakay rin nila ang partnership ng Civil Service Commission at ADB kaugnay sa digitalization.
Ayon sa pangulo, maraming oportunidad na ibinigay ang ADB sa bansa na nakakatulong sa development plans ng Pilipinas.