Ang pagiging handa sa mga problema kahit hindi pa man ito umiiral ay isang katangian ng tunay na lider na kinakailangan ng bansa, ayon kina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Kaya naman sa kanilang pagtakbo bilang presidente at bise presidente sa Halalan 2022, inihanda na nila ang kanilang mga sarili para maglatag ng mga kongkretong solusyon sa malawakan at nagpapatuloy pang problema sa iligal na droga, katiwalian ng mga nasa gobyerno, pagnanakaw sa taumbayan, at marami pang isyung pambansa.
“Being a former military officer [and] PNP (Philippine National Police) officer, I always think strategically, kung hindi man mapakinabangan sa 2022 elections ‘yung aming pagpi-present as candidates, ‘yung advocacy, platforms, plano, wala ‘yung entertainment [not so much], but ang focus namin talaga ay [pag-usapan] kung ano ang problema, ano ang solusyon,” pahayag ni Lacson sa ginanap na ‘Meet the Press’ forum nitong Huwebes.
Ayon sa presidential candidate ng Partido Reporma, ano man ang maging resulta ng eleksyon sa Mayo 9 ngayong taon, kumpiyansa siyang magagamit pa rin ng mga susunod na henerasyon ang kanilang mga inilalatag na plataporma at adbokasiya dahil ito ang kanilang binuong paraan para maresolba ang mga nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino.
Inaasahan din ni Lacson na makatutulong para sa mga botante ngayong eleksyon at sa mga susunod pang panahon ang kanilang paraan ng pangangampanya na nakapokus sa seryosong mga problema at solusyon nito, imbes na magbigay-aliw lamang sa mga Pilipino tuwing panahon ng kampanya.
“Doon na lang ako tumitingin and somehow, maski anong mangyari sa 2022, at least naka-contribute kami doon sa education ng ating mga botante. Sana tumingin sila sa mga seryosong bagay na hinaharap ng ating bayan,” ani Lacson.
“I’m looking beyond 2022, 2025, 2028, 2031 even 2034. Sana mamulat naman ‘yung ating mga kababayan na huwag maging short-sighted pagdating sa pagpili ng ating mga kandidato,” sabi ni Lacson kasabay ng pagpapasalamat niya sa mga mamamahayag na nakikiisa sa pagbibigay ng tapat, wasto, at komprehensibong impormasyon sa mga botanteng Pilipino na karamihan ay nahuhulog ngayon sa mga propaganda at fake news.
Sabi naman ni Sotto, positibo ang pananaw nila ni Lacson sa ilang kandidato na ginagamit ang kanilang mga naunang inilatag na adbokasiya simula pa nang ianunsyo nila ang kanilang kandidatura.
“Natutuwa ako na naririnig ko ‘yung ibang mga kandidato ngayon parang kinakampanya kami, ang mga sinasabi nila ngayon ‘yung mga sinasabi namin noon. At least, natututo at nakakarating sa mga kababayan natin ‘yung gusto nating paratingin,” lahad ni Sotto.
“Aayusin ang Gobyerno, Aayusin ang Buhay ng Bawat Pilipino” at “Uubusin ang Magnanakaw” ang nais ipatupad ng tambalang Lacson-Sotto sa kanilang mga kandidatura gabay ang kanilang tapat, subok at mahabang karanasan sa paglilingkod sa bayan.
Hangad nila na maibalik muli ang tiwala ng publiko sa pamahalaan at mga awtoridad, at magagawa lamang ito kung maisasaayos ang bulok na sistema sa gobyerno dahil sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na nagnanakaw hindi lang ng pera ng taumbayan, ngunit maging ng kinabukasan ng mamamayan.