Cauayan City, Isabela- Ipinamulat ng Philippine Pediatric Society ang isa sa kanilang mga adbokasiya sa isang pribadong paaralan sa Lungsod ng Santiago upang malabanan ang lumolobong kaso ng teenage pregnancy sa bansa.
Ito ay pinangunahan ni Dr. Mary Grace Uy, National Chair of the Advocacy against Teenage Pregnancy ng Philippine Pediatric Society.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Uy, sinabi niya na 10 porsyento ng buong populasyon ng Pilipinas ay nasa edad 15 hanggang 19 taong gulang at 5 porsyento nito ay mga kababaihan na 10 porsyento nito ay nanganak na.
Layon aniya ng kanilang adbokasiya na mabigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral lalo na sa mga kabataan upang mapigilan ang maagang pagbubuntis ng mga ito.
Aniya, posibleng malagay sa panganib ang kalusugan ng mga kabataang maagang nabubuntis at mahaharap sa maraming problema kung sila ay napabayaan.
Payo nito sa mga magulang na bantayang maigi at turuan ng tama ang mga anak upang mailayo sa posibilidad na mabuntis ng maaga.
Pinayuhan rin nito ang mga kabataan na huwag munang makipagtalik kung hindi pa kasal at huwag itong gawin na eksperimento bagkus ay mag-aral muna ng mabuti.