DOH, mag-iikot sa mga hospital bilang bahagi ng Iwas-Paputok campaign

Nakatakdang mag-ikot mamayang hapon ang ilang opisyal at kinatawan ng Department of Health (DOH) sa iba’t ibang mga hospital sa Metro Manila.

Ito’y bilang bahagi ng “Iwas-Paputok Campaign” ng DOH kung saan makakasama nila ang ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Mismong si Health Sec. Francisco Duque III ang mangunguna sa nasabing kampanya at kabilang sa mga kanilang pupuntahan ay ang Jose Reyes Medical Center sa Maynila, East Avenue Medical Center at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.


Ang mga nabanggit na hospital ay una nang naglatag ng kanilang kahandaan sa mga mabibiktima ng paputok pero umaasa ang DOH na magkakaroon ng zero casualty sa pagsalubong ng Bagong Taon bagama’t may naitala nang nasugatan dahil sa paputok.

Hangad din ng DOH na makiisa ang publiko sa kanilang Iwas-Paputok Campaign lalo na’t hindi madali para sa mga healthcare workers ang trabaho kasabay ng COVID-19 pandemic.

Base naman sa huling tala ng DOH, nasa 13 ang naitalang sugatan dahil sa paputok habang isa ang sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala.

Facebook Comments