Sinabi ni Gng. Perla Lucas, TESDA Provincial Director, layunin ng naturang programa na matulungang magkaroon ng trabaho at negosyo ang mga mamamayan partikular sa barangay Ammoeg, Ambaguio.
Umabot naman sa 25 katao mula sa nasabing barangay ang sumailalim sa pagsasanay kaugnay sa Motorcycle and Small Engine Servicing (MSES) NC II na pinangunahan ng Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT).
Sa pamamagitan ng nasabing programa, magkakaroon na ng tuloy-tuloy na trabaho at hanapbuhay ang mga mamamayan sa lugar pangunahin na sa mga nasa liblib sa ilalim na rin ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) ng Nueva Vizcaya.
Naniniwala naman si PD Lucas na uusad ang nasabing hanapbuhay para sa mga mamamayan ng Barangay Ammoeg dahil wala umanong repair shop doon para sa mga makina ng motorsiklo na pangkaraniwang ginagamit ng karamihang mamamayan.
Bukod dito, isasailalim pa sa entrepreneurship at work values development trainings ang mga benepisyaryo sa nasabing lugar upang mabigyan sila ng tamang kaalaman sa pagpapatakbo ng negosyong kanilang pagkakakitaan.