AFI Festival ng Tuguegarao, Sampung Araw na Ipagdiriwang

Tuguegarao City, Cagayan – Magkakaroon ng sampung araw na pagdiriwang ang Lungsod ng Tuguegarao para sa kanilang taunang Afi Festival.

Ito ang napag-alaman ng RMN Cauayan News Team sa pagdalo sa ipinatawag na pulong balitaan kahapon araw ng Biyernes, Agosto 3, 2018 ng Tuguegarao City LGU.

Ang Afi Festival ay bilang paggunita sa ika 294 na kapistahan ng Tuguegarao City sa kanilang patron na si San Jacinto.


Ang dating katawagan sa taunang kapistahan ng Tuguegarao ay Pavvurulun Festival.

Ginawa itong Afi Festival na hango sa salitang “afi” o apoy ng mga Ibanag dahil ang Tuguegarao City ay siyang pinakamiinit na lugar sa Pilipinas lalo na sa mga buwan ng Marso at Abril.

Ang Tuguegarao ay hango din sa lokal na salitang Ibanag na “Tuggi” na ang ibig ding sabihin ay apoy. Ang Afi Festival ngayong taon ay magsisimula sa Agosto 8 at magtatapos sa Agosto 18.

Ilan sa mga itatampok sa sampung araw na kapiyestahan ay trade fair, fireworks display, job fair, visual art exhibit, drum and lyre competition, pancit “batil-patung’ competition, Miss Tuguegarao City beauty pageant, motocross at grand parade.

Dahil sa mga nakalinyang aktibidad ay nagtakda rin ng traffic plan ang lungsod para sa mga maapektuhang kalsada sa Lungsod ng Tuguegarao.

Pinangunahan ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang pulong balitaan sampu ng mga upisyal ng lungsod na mangangasiwa sa mga ibat-ibang kompetisyon at aktibidad para sa Afi Festival

Facebook Comments