AFP at PNP, iginiit na sumusunod sa Facebook standards matapos ilabas ng Facebook Philippines na may pekeng accounts na gawa ng mga sundalo at pulis

Iginiit ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na wala silang mga paglabag sa protocol sa social media.

Ito’y matapos I-ulat ng Facebook na mahigit 150 pekeng Facebook accounts na nakabase pa sa China at mina-manage umano ng mga tao na konektado sa police at military agencies.

Sa ginawang coordinated meeting sa Camp Crame kanina, sinabi ni AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay na sumusunod ang kanilang organisasyon sa standard ng Facebook.


Giit pa nito, hindi rin sila nagpapakalat ng fake news.

Pero ayon kay Gapay, ipapa-check nila ang mga Facebook account ng mga sundalo at makikipag-ugnayan din sila sa Facebook Philippines sa inilabas nilang ulat.

Sa panig naman ni PNP Chief Camilo Cascolan, nanindigan ito na wala rin silang mga paglabag dahil hindi nila kinukunsinte ang fake news.

Matatandaang sinabi ni Nathaniel Gleicher, head ng Facebook security policy, binura ang mga Facebook account dahil sa “coordinated inauthentic behavior”.

Aniya, kadalasang may mga post ang mga ito tungkol sa interes ng Beijing sa South China Sea, insurgency, pulitika at iba pa.

Facebook Comments