AFP, ayaw nang makialam sa napipintong paglaya ni Pemberton

No comment na ang Armed Forces of the Philippines sa napipintong paglaya ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na siyang pumatay sa Filipina transgender na si Jennifer Laude.

Ito’y matapos pagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon si Pemberton kahapon.

Ayon kay Captain Jonathan Zata, Public Affairs Office Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP), katulad ng mga nauna nilang pahayag, lahat ng katanungan tungkol kay Pemberton ay dapat ipasa sa Bureau of Corrections.


Dagdag pa nito, ang Camp General Emilio Aguinaldo kung saan nakakulong si Pemberton ay isa lamang holding facility pero ito ay pinangangasiwaan ng mga tauhan ng BuCor.

Dahil dito, walang abiso ang AFP kung kailan aalis ng Camp Aguinaldo ang Amerikanong sundalo.

Matatandaang may umiiral na Memorandum of Agreement sa pagitan ng AFP at BuCor at nakapaloob dito na ang BuCor ang may buong hurisdiksyon sa lahat ng galaw ni Pemberton.

Facebook Comments