Nadismaya si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa pagpapalaya ng siyam na pulis na akusado sa pamamaril at pagpatay ng apat na sundalo sa tinaguriang Jolo shooting incident noong Hunyo nang nakalipas na taon.
Ito ay makaraang i-release ng Philippine National Police (PNP) sa kani-kanilang mga pamilya ang siyam na pulis na nakakulong sa Camp Crame dahil sa kawalan ng kautusan mula sa korte na manatili sa piitan ang mga ito.
Sa isang statement, sinabi ni AFP Spokesperson Marine MGen. Edgard Arevalo na “unfortunate”, na wala pang inilabas na warrant of arrest ang korte sa kabila ng pagsasampa online ng Department of Justice (DOJ) ng kaso sa Regional Trial Court ng Jolo noong Enero 4 para sa multiple murder laban sa mga akusado.
Siniguro ni Arevalo na patuloy na makikipag-ugnayan ang AFP sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng apat na nasawing sundalo.
Tiniyak pa ni Arevalo na sa oras na ilabas ang mga warrant of arrest, tutulong ang AFP sa pagsisilbi ng mga ito sa mga akusado.
Matatandaang ipinaliwanag ng PNP na pinakawalan ang siyam na pulis na nasa kustodiya nila dahil wala nang hurisdiksyon sa kanila ang PNP makaraang masibak sa serbisyo ang mga ito, at wala pang warrant of arrest laban sa mga ito.