Hindi pabor si Armed Forces of the Philippines Chief General Gilbert Gapay na ibalik ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno at ng Communist Party of the Philippines.
Ayon kay Gapay, ginagamit lang ng mga rebeldeng komunista ang Peace Talks para makapag-recruit ng kanilang miyembro at ipagpatuloy ang ginagawang pangingikil.
Dagdag pa ng AFP Chief, hindi nila irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng tigil putukan ngayong nalalapit na kapaskuhan dahil hindi naman aniya nagpapakita ng sinseridad ang mga rebelde habang umiiral ang kasunduan.
Malapit na rin aniya na matapos ang problema sa insurhensiya lalo na’t mahina na umano ngayon ang mga rebeldeng grupo.
2017 nang tuluyan nang tinapos ni Pangulong Duterte ang negosasyon sa mga komunistang grupo matapos na hindi umano tuparin ng mga rebelde ang kanilang parte sa peace talks.