AFP Chief, ipinag-utos sa mga AFP units ang mas mahigpit na koordinasyon sa CHR

Inutos na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa mga AFP units na paigtingin ang kanilang koordinasyon sa mga “Human Rights Bodies” katulad ng Commission on Human Rights (CHR).

Ginawa ito ni Gen. Gapay sa harap ng regular na pag-report ng militar sa mga lehitimong Human Rights organizations ng mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng New People’s Army (NPA).

Nauna rito ay isinumite ng AFP Human Rights Office (AFPHRO) sa CHR ang kanilang report tungkol sa 532 pag-atake ng NPA sa mga sibilyan at kanilang ari-arian mula 2010.


Ibinigay ang nasabing report sa United Nations (UN) na ipinadaan sa Office of the High Commissioner on Human Rights at UN Resident and Humanitarian Coordinator in the Philippines.

Noong nakaraang taon din ay isinumite ng AFPHRO sa UN at CHR ang report tungkol sa 544 menor de edad na ginawang child-warriors ng NPA.

Ayon kay Gapay, panahon na para ilantad sa buong mundo ang tunay na mukha ng NPA at kanilang mga front organizations bilang mga nangungunang lumalabag sa mga karapatang pantao sa bansa.

Facebook Comments