AFP Chief of Staff Gen Brawner at US Ambassador, bibisita sa EDCA sites ngayong araw

Nakatakdang bumisita sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites ngayong araw sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, kasama si United States Indo-Pacific Commander, Admiral John Aquilino.

Layon ng mga ito na inspeksyunin ang mga itinatayong EDCA facility sa Lal-lo Airport at Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; at ang mga kumpletong EDCA projects sa Basa Air Base, Pampanga.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Enrico Gil Ileto, ang pagbisita ay pagkakataon din para sa mga opisyal na makita ang potensyal ng mga base para sa iba pang mga pasilidad na susuporta sa Humanitarian and Disaster Relief (HADR) activities.


Ang pagbisita sa mga EDCA sites ay paunang aktibidad bago magpulong ang Mutual Defense Board-Security Engagement Board sa Camp Aguinaldo bukas.

Sinabi pa ni Ileto na ang mga aktibidad ay sesentro sa kooperasyong militar ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagsulong ng pambansang depensa, regional security at humanitarian and disaster relief efforts.

Facebook Comments