AFP Chief of Staff Gen. Brawner, tiniyak na walang mangyayaring kudeta sa ilalim ng kaniyang pamumuno

Nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na mananatiling tapat ang militar sa Konstitusyon at sa chain of command, kasabay ng paggiit na walang magaganap na kudeta habang siya ang namumuno sa Hukbong Sandatahan.

Binigyang-diin ni Gen. Brawner ang propesyonalismo ng Sandatahang Lakas at ang patuloy nitong pagsusulong ng reporma, pananagutan at disiplina sa loob ng organisasyon.

Buo rin aniya ang tiwala niya sa integridad, pagmamahal sa bayan at propesyonalismo ng mga sundalo.

Binalaan din ng AFP Chief ang mga patuloy na nagpapakalat ng disinformation at kaguluhan, na ang ganitong mga hakbang ay sumisira sa institusyong nagsisilbing tagapagtanggol ng bayan.

Hinimok din ni Brawner ang publiko na maging maingat sa pagtrato sa mga sensitibong usapin kaugnay sa pambansang seguridad at pag-alam ng totoo laban sa mga walang basehang akusasyon.

Kasunod nito, muli rin niyang pinagtibay ang pangunahing misyon ng AFP sa pagtatanggol sa mamamayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pagbabantay sa ating bansa.

Facebook Comments