Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na maaaring idaan ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa Office of the Executive Secretary ang rekomendasyon sa pagbuo ng isang national inter-agency taskforce na siyang tututok sa paglaban sa insurgency sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mas magandang idaan ng AFP sa pormal na proseso ang kanilang rekomendasyon at isumite kay Executive Secretary Salvador Medialdea para ito ay maisumite sa Office of the President.
Ito aniya ay upang makapagbalangkas na ang Malacañang ng isang executive order (EO) na siyang bubuo sa nasabing national inter-agency taskforce.
Ito naman ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pahayag ng AFP na mabilis na matatapos ng pamahalaan ang paglaban sa insurgency o ang mga New Peoples Army o NPA kung magkakaroon ng isang inter-agency taskforce na siyang tutututok sa paglaban dito at iba pang mga hakbang para hindi na ito kumalat pa.