AFP, handang isailalim sa kustodiya nila ang mga arestadong terorista

Handa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na isailalim sa kanilang kustodiya ang mga notoryos na terorista kung ito ang ipag-uutos ng korte.

Ito ang tugon ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar sa naunang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., na mas mabuti kung nasa kustodiya ng AFP ang mga nahuling notoryos na terorista para mas mabantayan maigi sa loob ng kampo militar.

Paliwanag ni Azurin, hindi naman kasi maximum security facility ang PNP Custodial Center at kalimitan lang na ginagamit ito para sa mga high profile individuals.


Sinabi naman ni Col. Aguilar na ang PNP ang nakakasaklaw sa sinumang nahuhuli sa law enforcement operation at ang korte ang nagsasabi kung saan sila ikukulong.

Kung ilalagay aniya ng korte sa kustodiya ng AFP ang mga nahuling terorista ay gagawin ng militar ang lahat para maiwasan ang katulad ng nangyari sa Custodial Center.

Ang nasabing pahayag ay kasunod nang tangkang pagtakas ng tatlong persons under police custody na nauwi sa pangho-hostage kay dating Sen. Leila de Lima sa loob mismo ng PNP Custodial Center sa Camp Crame noong Linggo ng umaga.

Facebook Comments