National security, higit na palalakasin ng SIM Card Registration Act

Tiwala si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte na mas mapapalakas ang ating national security sa pagpapatupad ng SIM Card Registration Act.

Ayon kay Duterte, ito ay dahil magiging malaking tulong ang SIM Registration Act sa law enforcement agencies sa pagresolba ng mga krimen gamit ang mobile phone units.

Dagdag pa ni Duterte, malaki ang epekto sa araw-araw nating pamumunay ng bagong batas dahil ngayon ang panahon para paghusayin natin ang digital security.


Binanggit naman ni Benguet Rep. Eric Yap na sa pamamagitan ng SIM Registration Act ay mas magkakaroon na tayo ng pananagutan sa paggamit natin ng SIM card na magiging konektado na sa ating pagkakakilanlan.

Dagdag pa ni Yap, walang dapat ipag-alala sa pagpaparehistro ng SIM card dahil nakapaloob sa batas ang special provision para ingatan ang mga impormasyon ukol sa may-ari ng SIM cards.

Sina Duterte at Yap ay kabilang sa mga may-akda ng SIM Registration Act na layuning matuldukan ang mga panloloko, ilegal na gawain at iba’t ibang krimen gamit ang SIM cards.

Facebook Comments